MANILA, Philippines - Matapos ang mahabang pakikipaglaban, nakakuha ng paborableng desisyon sa korte ang 98 OFWs na sila ay bayaran ng kanilang inireklamong employer sa Saudi Arabia.
Sinabi ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, natanggap na umano ng 98 OFWs ang desisyon ng Saudi labor court mula sa isinampang kaso laban sa kanilang employer na Al Swayeh Company na nag-aatas na bayaran sila ng kanilang unpaid wages at end of service benefits.
Magugunita na nagsagawa ng mga serye ng protesta ang 98 OFWs tulad ng tigil-trabaho at isang araw na hunger strike upang dikdikin at kalampagin ang Labor officials ng Pilipinas sa Riyadh na tutukan at i-follow up ang kanilang kaso.
Maliban sa mga OFWs na nagprotesta, nabayaran na ng Al Swayeh ang kanilang mga dayuhang manggagawa mula Pakistan, India at iba pang nationalities at naipabalik na rin sa kani-kanilang bansa.
Pinapatingnan rin ng Migrante-ME ang report sa Department of Labor and Employment (DOLE) na naibigay na umano sa mga nagpoprotestang OFWs ang kabuuang 1,090,785 Saudi Riyals (P12,281,729) na taliwas sa inaasahan na mas mahigit pa sa 3-M Saudi Riyals ang kanilang dapat na matatanggap mula sa kanilang overall computations. Hiniling din ng mga OFWs na agad silang makauwi sa Pilipinas kapag nakuha na nila ang kanilang hinihinging kompensasyon.