MANILA, Philippines - Unti-unti ng nakakarekober sa sinapit na trauma ang nakaligtas na aide de camp ng yumaong si DILG Secretary Jesse Robredo na nasawi sa plane crash kasama ang dalawang piloto sa karagatan ng Masbate City noong Agosto 18.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., nagpapakita na ng senyales ng pagrekober si Sr. Inspector June Paulo Abrazado.
Simula ng maganap ang trahedya ay dumaranas ng matinding depresyon si Abrazado na halos tulala, hindi makatulog at makakain. Sinisisi nito ang sarili sa kabiguang iligtas sa trahedya ang kaniyang boss.
Bunga ng insidente ay sumasailalim sa counseling at therapy sa PNP General Hospital si Abrazado.
Sinabi ni Cerbo na itatalaga sa DILG si Abrazado at bahala na ang susunod na pinuno ng departamento kung kukunin ang serbisyo nito o ibabalik sa kaniyang mother unit sa PNP.
Si Abrazado ang nag-iisang survivor sa bumagsak na Piper Seneca plane na kumitil sa buhay ni Robredo, mga pilotong sina Capt. Jessup Bahinting at co-pilot na Nepalese na Kshitiz Chand.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng biyuda ni Robredo na si Leni na wala siyang hinanakit kay Abrazado kung nabigo man itong mailigtas si Jesse.