MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang bagong Chief Justice na si Ma. Lourdes Sereno na ibalik nito ang nawalang tiwala ng publiko sa Korte Suprema matapos mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment si dating Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Magsaysay, nakatutok ang lahat sa Korte Suprema at na kay Sereno na kung paano niya ipapakita ang pagiging independent nito at hindi magpapahawak sa Pangulo na nagtalaga sa kanya sa puwesto.
“With several controversial cases still in the backburners and many judicial reforms waiting to be implemented, Sereno will have her work cut out for her,” pahayag ni Magsaysay.
Binanggit pa ni Magsaysay na isa si Sereno sa pinakamahabang termino sa kasaysayan ng Korte Suprema kayat mayroon itong sapat na panahon para ipatupad ang pagbabago sa Hudikatura at maitataas na rin ang imahe nito gayundin ang pananaw ng mga Filipino sa proseso ng hudikatura.
Kasabay nito ay binati ni Magsaysay si Sereno bilang kauna-unahang babaeng naging Punong Mahistrado ng bansa. (Butch Quejada/Gemma Garcia)