MANILA, Philippines - Inutos na ng bagong talagang Supreme Court Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno ang full disclosure ng kaniyang statement of assets, liabilities and networth o SALN.
Matatandaan na una ng inilabas nina Sereno at Senior Associate Justice Antonio Carpio ang public summary ng kanilang SALN noong kasagsagan ng impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona.
Sa kaniyang kauna-unahang pangunguna sa en banc session kahapon bilang Chief Justice, inanunsyo nito sa iba pang mahistrado ang kaniyang full disclosure plan.
Dahil rito, maaari na ngayong ma-access ang SALN ni Sereno nang hindi na kinakailangan pang sumunod sa Hunyo 13 resolution ng Korte Suprema na naglalatag ng guidelines para sa pagkuha ng kopya ng SALN ng mga opisyal ng Hudikatura.
Nabatid na ang pinayagan ni Sereno na mailabas ay ang kaniyang SALN mula Agosto 2010, na panahong siya ay naitalaga sa Korte Suprema.