MANILA, Philippines - Hihimayin ngayon ng Senado ang P44.26 bilyon conditional cash transfer program na kilala rin sa tawag na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga mahihirap na pamilyang Filipino.
Ang P44.26 bilyong pondo ay nakapaloob sa panukalang P2.006 trilyong national budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, chairman ng Senate Commitee on Finance, isasalang ngayon sa pagdinig ng komite ang budget ng DSWD kung saan inaasahang haharap si Secretary Dinky Soliman.
Nilinaw ni Drilon na ang 4Ps ay hindi lamang para sa mga programa ng mahihirap dahil maituturing din itong investment para sa edukasyon at kalusugan ng mga batang Filipino.
“The CCT program will get an increase of 12.2 percent from its 2012 allocation of P39.45 billion to benefit additional 700,000 households in 2013,” ani Drilon.
Ang mga benepisyaro ng programa ngayong taon ay umabot na umano sa 3,106,979.
Idinagdag pa ni Drilon na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay nakakatanggap ng hanggang P1,400 buwanang tulong mula sa gobyerno sa kondisyon na hindi nila pahihintuin sa pag-aaral ang kanilang mga anak at tatanggap ng mga pre-natal at iba pang check-ups ang mga ina ng tahanan.
“The allocation for CCT program is 78.8 percent of the total proposed budget of the DSWD amounting P56.2 billion,” sabi ni Drilon.