MANILA, Philippines - Patay na ang astronaut na kauna-unahang nakatapak sa buwan (moon) noong 1969 na si Neil Armstrong.
Sa report ng CNN, pumanaw si Armstrong sa edad na 82 sanhi ng komplikasyon sa cardiovascular surgery nito.
Bago ang kanyang pagpanaw, dumalo pa si Armstrong sa isang awarding sa Ohio University na kanyang huling public appearance kung saan binigyang parangal nito ang kapwa astronaut na si John Glenn noong Pebrero.
Si Armstrong ay matagumpay na nakatapak sa buwan lulan ng Apollo 11 spaceship kasama ang crew na si Edwin “Buzz” Aldrin noong Hulyo 20, 1969 na nagbigay ng inspirasyon sa buong mundo.
Magugunita na humigit kumulang sa 500 milyong tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ang sumaksi nang ipalabas sa telebisyon ang matagumpay na paglapag ng Apolo 11 at pagtapak ng naturang dalawang astronaut sa lunar space matapos ang kanilang misyon.
Umalis sa earth o mundo ang spacecraft Apollo 11 na pang-lima na manned mission ng NASA’s Apollo program noong Hulyo 16, 1969 mula sa Kennedy Space Center sa Merritt Island, Florida at nakarating sa kanilang destinasyon matapos ang apat na araw. Nakabalik sa mundo ang nasabing spacecraft matapos na mag-landing sa Pacific Ocean ng Hulyo 24.
Nagpahatid na ng pakikiramay ang matataas na opisyal ng Estados Unidos sa pangunguna ni US Pres. Barack Obama.
Sa mensahe ni Obama, isa sa mga pinakamagaling na bayani si Neil Armstrong na hinangaan sa buong mundo at nagsilbing inspirasyon iba’t ibang henerasyon dahil ipinakita nito na lahat ay posible maging ang pag-apak sa buwan na hindi na umano makakalimutan ng mga tao sa buong mundo.