MANILA, Philippines - Bagama’t nasa Taiwan na ang sentro ng bagyong Igme, may posibilidad na bumalik ito sa kalupaan ng Pilipinas dahil sa epekto ng isa pang bagyong si Julian.
Ayon kay Connie Rose Dadivas, weather forecaster ng Pagasa, dahil kay Igme, nakataas pa rin ang storm warning signal no. 2 sa Batanes Group of Islands at signal no. 1 naman sa Calayan at Babuyan Group of Islands.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Igme ay namataan sa layong 225 kilometro ng hilaga hilagang kanluran ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin hanggang 160 kilometro bawat oras.
Samantala, ang bagyong Julian ay huling namataan sa layong 1,040 kilometro silangan ng Basco, Batanes.
Mas malakas ang taglay nitong hangin kaysa kay Igme na umaabot sa 150 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 185 kilometro bawat oras.
Bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa kalupaan ang nasabing mga weather systems pero paiigtingin ng bagyong Igme at Julian ang habagat na siyang magpapa-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa, kasama na ang Metro Manila.