MANILA, Philippines - Bubuksan sa publiko ang burol ngayon ni DILG Secretary Jesse Robredo sa Palasyo ng Malacañang.
Sinabi ni Communications Group Usec. Manolo Quezon, minabuti ng binuong komite na na ngangasiwa sa funeral arrangements ni Sec. Robredo na iburol sa Kalayaan Hall ang yumaong kalihim dahil na rin sa malaki ang lugar.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may ibuburol na yumaong miyembro ng Gabinete sa Kalayaan Hall.
Wika ni Usec. Quezon, sasalubungin ni Pangulong Aquino ang bangkay ni Robredo sa Malacañang ngayong alas-11 ng umaga kung saan ay bibigyan siya ng arrival honors ng Presidential Security Group (PSG) at bibigyan din ito ng 19-gun salute.
Itinakda naman ang public viewing sa labi alas-7 hanggang alas-11 ng gabi matapos ang memorial service ng DILG at attached agencies nito.
Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa Sabado ay bukas naman sa publiko ang pagsilip sa labi ng kalihim sa Kalayaan Hall kung saan ang publiko ay padadaanin sa Gate 7 ng Malacañang.
Ibabalik naman ang labi ni Sec. Robredo sa Naga City Hall sa Linggo ng umaga at ililibing ito sa Martes matapos ang ‘state funeral’ nito.