MANILA, Philippines - Kanselado muna ang pagdaraos ng ika-111 taong anibersaryo ng Philippine National Police (PNP) na itinakda sana sa darating na Biyernes dahil na rin sa pagkamatay ni DILG Sec. Jesse Robredo.
Kinumpirma ito ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., base sa inilabas na memorandum na inisyu ni Deputy Director General Rommel Heredia.
Ang PNP day ay itinakda noong Agosto 8 pero dahil sa “habagat” ay ipinagpaliban sa Agosto 24 kung saan inaasahan sanang dadalo bilang panauhing pandangal si Robredo.
Ayon kay Cerbo, hindi magiging akma kung magdaraos ng selebrasyon ang PNP habang nagluluksa ang buong bansa sa pagkamatay ng DILG chief na siyang pangunahing nagsusuperbisa sa PNP.
Sa halip magdiwang ay tutungo ang puwersa ng PNP sa Malacañang kung saan pansamantalang ilalagak din ang labi ni Robredo.