MANILA, Philippines - Hindi lamang umano nagmimistulang sanglaan kundi nagsusubasta na rin ng mga gamit ng mga pasyente ang isang ospital sa Metro Manila.
Ito ang ibinunyag ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño matapos makatanggap ng reklamo na ang Philippine Childrens Medical Center (PCMC) sa Quezon City na noon pang isang taon nabuking na pinagsasangla ng gamit ang mga pasyente ng hindi nakakabayad ng hospital bills.
Inilabas ni Casiño ang Memorandum no. 65 series 2012 na pinirmahan ni PCMC Director Julius Lecciones para sa auction ng mga collaterals mula Hulyo 25 hanggang Agosto 10.
“Nag-level up na po ang hospital pawnshop operations natin, sa halip na individual items, they are now selling by lot,” sabi ni Casiño.
Kabilang na dito ang 10 unit ng camera, 21 unit ng DVD players, 46 na items ng alahas, 13 unit ng gadgets kasama ang ipod, 92 piraso ng relo at 16 units ng iba pang uri ng property.
Ang pinakamababang halaga umano ng isusubasta ay limang libong piso para sa mp3 o mp4 players at ang pinakamataas naman ay P53,780 para sa mga relo.
Nang ilapit naman umano ito ni Casiño kay Health Secretary Enrique Ona sa budget hearing, nagbanta ang kalihim na sisibakin ang direktor ng PCMC kung hindi ititigil ang ganitong practice.
Sinabi pa ni Casiño na ang mga government hospital ang dapat na tumutulong sa mga mahihirap na walang pampagamot at hindi ito ang nagsasamantala sa kanilang kawalan ng pera.