Security threat daw ang media DOJ gigisahin sa Kamara

MANILA, Philippines - Sisimulan na ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa pagtuturing ng Department of Justice (DOJ) sa mga taga media bilang security threat sa bansa.

Sa House Resolution 2574 na inihain ni Agham party list Rep. Angelo Palmones, hinikayat nito ang House Committee on Public Information na magsagawa ng imbestigasyon sa nabanggit na ulat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na ang mga reporter na nagko-cover sa DOJ ay maituturing na banta sa seguridad ng bansa.

Ito rin ang naging dahilan upang palayasin ang mga reporter na nagko-cover sa DOJ sa press office na nasa gusali kung saan din matatagpuan ang tanggapan ni Justice Secretary Leila de Lima.

Paliwanag naman ni Palmones, na ang dalawang media organizations na Justice and Court Reporters Association (JUCRA) ay itinayo noon pang dekada 70 samantalang ang Justice Reporters Organization (JUROR) ay itinatag noong dekada 80 pa.

Dahil dito kayat nais ni Palmones na isa-publiko ng DOJ ang report na ito ng NICA na umano’y lumalabas na ang mga reporter ay kalaban ng gobyero sa halip na katulong sa pagpapalaganap ng impormasyon.

Bilang isang dating ma­mamahayag, sinabi ni Palmones na ang media ay isang epektibong instrumento sa pagpapakalat ng impormasyon na maaaring maka-impluwensya sa opinyon ng publiko at lumikha ng isang popular na kultura.

Show comments