MANILA, Philippines - Ganap ng bagyo ang binabantayang sama ng panahon sa karagatan ng Northern Luzon matapos tuluyang makapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), kahapon.
Sa huling ulat ng Pagasa, alas-5 ng hapon ng maging ganap na bagyo na tinawag na “Helen” ang active low pressure area at nasa 750 km sa East ng Casiguran, Aurora.
Sinabi ni Benjie de Paz, weather forecaster, taglay nito ang lakas na 55 kilometer per hour mula sa gitna at kumikilos sa East North East sa bilis na 11 km kph.
Ngayon umaga (Lunes) ang bagyo ay makikita sa 550 km sa East North East ng Casiguran, Aurora at sa Martes naman ay inaasahang nasa 410 km ito sa North East ng Casiguran.
Sabi pa ni Paz, medyo malayo pa ang bagyo kung kaya hindi pa gaanong makakaapekto ito sa ilang lugar sa bansa.
Inaasahang magdudulot ng pag-ulan ang nasabing sama ng panahon sa Bicol Region at sa araw ng Miyerkules ay may posibilidad na sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan ito magbuhos ng ulan.