Hustisya sa pinatay na lider ng Coop, hingi

MANILA, Philippines - Bukod sa kanyang mga kaanak at pamilya ay nanawagan na rin ang pamunuan ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) para sa agarang pagbibigay ng hustisya sa pinaslang na opisyal ng Alliance for Consumer Ownership of Batelec 2 (ACOB-2).

Naglaan na rin si AGAP Partylist Rep. Nicanor “Nikki“ Briones ng halagang P300,000 reward sa sino mang makapagbibigay impormasyon, makapagtuturo at makadarakip sa apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo na responsable sa pagpatay kay Santiago Efipanio Garong, 47, ng Lipa City, Batangas.

Si Garong ay inambus ganap na alas-8:00 ng umaga noong Agosto 6 sa kanto ng GA Solis at Katigbak Sts., sa Lipa City Batangas.

Ayon sa report, si Garong ang siyang nagmamaneho ng sasakyan na kulay puti na may markang AGAP na Toyota Delica (TCJ-414) nang ito ay pagbabarilin ng mga suspek.

Posible umanong napagkamalan lamang ang biktima na siya ang kanyang bayaw na si Ernie Reyes, presidente ng NGO-Federation of Lipa, Inc.

Si Reyes ay aktibong lumalaban sa kapakanan ng mga electric consumer na nagsusulong ng conversion ng Batangas Electric Cooperative 2 na sinasabing una ng pinag-initan at pinadalhan ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Naniniwala si Briones na ang target talaga ng mga sa salarin ay si Reyes at hindi si Garong. Su­mulat na ang mambabatas kay Pangulong Noynoy­ Aquino para sa agarang pagbibigay ng hustisya kay Garong.

Show comments