MANILA, Philippines - Mariing tinututulan ng isang miyembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang paggamit ng mga gadgets tulad ng iPad o tablet computer na may electronic Catholic Bible o Missal application upang palitan ang tangible Missal sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
Ito ay sa kabila nang unti-unting paggamit ng simbahan sa internet at social media upang maipaabot sa mga tao ang mga Salita ng Diyos.
Nabatid na ang Missal ay ang liturgical book na naglalaman ng mga gabay at mga teksto na kinakailangan sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa buong taon.
Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, kung siya ang tatanungin ay ayaw niyang gumamit ang mga pari ng electronic Bible o Missal mula sa iPad o tablet computers para palitan ang Banal na Bibliya.
Sinabi ni Baylon na hindi katulad ng Bibliya o ng Missal, ang iPad o tablet computers ay hindi ekslusibong ginawa para sa Eukaristiya. Hindi rin, aniya, akma ang iPad sa kasagraduhan ng altar.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Baylon na maaari rin namang gumamit ng iPad sa mga ekstraordinaryong pagkakataon tulad kung bumibiyahe o kung walang access sa Bible o Missal ngunit hindi naman dapat na gawing regular ang paggamit dito.
Sinabi pa niya na maaari rin namang magamit ang iPad bilang instrumento sa pang-araw-araw na panalangin ngunit hindi nito maaaring palitan ang Banal na Bibliya.
Nilinaw naman ni Baylon na ang kaniyang posisyon hinggil sa paggamit ng iPad o tablet computer sa pagmimisa ay hindi posisyon ng CBCP.
Sa ngayon, wala pang posisyon ang CBCP kung pabor ba itong gumamit ng gadget sa pagdiriwang ng mga banal na misa sa bansa.