GSIS naglaan ng P10-B para sa emergency loan

MANILA, Philippines - Naglaan na ng P10 bil­yon ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa pagbibigay ng “emergency loan” sa mga miyembro nitong nabiktima ng bagyong Ge­ner at mga naapektuhan ng baha dulot ng matin­ding ulan dahil sa habagat.

Sinabi ni GSIS President Robert Vergara na hi­git sa kalahating milyon nilang miyembro ay nasa mga lugar na tinamaan ng kalamidad. Kabilang dito ang mga lugar na isinailalim sa state of calamity tulad ng National Capital Region, lalawigan ng Cavite, Rizal, Pampanga, Tarlac, Bataan, Zambales, Bulacan at Laguna.

Ibinalita rin ni Vergara na pinaluwag nila ang “terms” ng kanilang loan program upang madaling makakuha nito ang mga nangangailangan nilang miyembro. 

Kabilang dito ang pagpapababa sa interes sa 6% buhat sa dating 8%, tinanggal na ang 1% service fee, at pinalawig ang unang pagbabayad sa ikatlong buwan matapos makuha ang loan.

Maaa­ring makahiram ang kada miyembro ng hanggang P20,000 na maaaring bayaran sa loob ng 36 bu­wang installment.  

Show comments