MANILA, Philippines - Umalma ang liderato ng Senado sa alegasyong bina-blackmail ng Kongreso ang Supreme Court sa isyu nang pagpili ng susunod na punong mahistrado.
Iginiit ni Senate President Juan Ponce Enrile na labag sa Saligang Batas ang ginawa ng Judicial and Bar Council (JBC) dahil tanging ang chief justice lamang umano ang makakapag-preside ng mga pagdinig ng lupon, taliwas sa nangyari kung saan isang associate justice lamang ang umupong chairman.
“Hindi kami nagba-blackmail. I know my law. I understand what I’m doing,” wika ni Sen. Enrile.
Kaugnay nito, sinabi ni Enrile na ginagalang nito ang pananaw ng mga kasamahang senador hinggil sa kaniyang posisyon na i-boykot ang JBC meeting.
Una rito, sinabi ni Sen. Joker Arroyo na “improper” umano ang pang-iisnab ng Senado sa JBC.
Magpapatawag ngayong araw ng caucus si Enrile para ipaliwanag ang kaniyang posisyon sa isyu.
“I respect his (Arroyo) opinion. Pero opinion niya iyon. Ipi-present ko ang aking position sa Chamber. They can reverse my desisyon kung gusto nila,” dagdag ni Enrile.
Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na malabo ang posisyon ni Enrile dahil mismong punong mahistrado ang bakante at hinahanapan ng kapalit.
Ayon kay Valte, tiyak ding reresolbahin ito ng JBC kaya matatagalan ang kanilang deliberasyon.
Ito umano ang dahilan kaya imbes na Lunes, sa Huwebes ng darating na linggo na lamang ang botohan ng JBC para sa shortlist.