MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta sa bahagi ng Northern Luzon ang bagyong Gener habang nanatiling nakalagay sa storm signal ang ilang lugar dito.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), alas-11 ng umaga kahapon ay namataan si Gener sa 310 km silangan hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang lakas na 85 kph malapit sa gitna at bugsong hangin na 100 kph.
Nakalagay pa rin sa signal no. 2 ang Cagayan, Calayan group of Islands at Babuyan Group of Islands, habang ang signal no. 1 ay nanatili sa Isabela, Kalinga, Apayao at Batanes Group of Islands.
Pinayuhan din ang mga residente na nasa ilalim ng public storm signals na maging alerto, partikular sa mga mabababa at mabundok na lugar dahil sa posibleng pagguho ng lupa at pagbaha.
Ang mga naninirahan na nasa malapit sa baybaying dagat naman na nasa signal no. 2 ay inalerto laban sa posibleng paglaki ng alon na likha ng bagyo.
Hindi na rin pinapayagang maglayag ang mga bangkang pangisda at iba pang sasakyang pandagat sa may Central at Southern Luzon, Visayas at silangang baybaying dagat ng Mindanao dahil sa pinaghalong epekto ng bagyong Gener at habagat.
Ayon pa sa PAGASA, ang tinatayang dami ng ulan na babagsak ay nasa 10 hanggang 25 mm kada oras sa pagitan ng 600 km na diametro ng bagyo.
Inaasahan naman ang paglawak ng hanging habagat na magdadala ng ulan sa katimugang Luzon, Visayas at Mindanao, lalo na sa kanlurang bahagi.
Inaasahang nasa 260 km sa hilagang silangan ng Aparri, Cagayan si Gener sa Lunes at 160 km sa hilaga-hilagang kanluran ng Basco, Batanes sa Martes; at 40 km sa Taiwan sa Miyerkules.