MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang ‘breakdown ‘ o paghu-huramentado ng mga pulis na nasisira ang disiplina bunga ng sobrang ‘pressure‘ sa trabaho, isasalang ng Philippine National Police (PNP) sa random neuro psychiatric test ang mga tauhan at opisyal nito sa buong bansa.
Ayon kay Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., Director ng Police Community Relations Group, bukod sa random drug test ay dapat ring may regular na neuro-psychiatric examination ang mga pulis.
Ilang sa paghuhuramentado ng mga pulis ay ang pagbaril sa kanilang mismong mga superior o kaya naman ay kasamahan sa serbisyo lalo na sa mga inosenteng sibilyan.
Ang hakbang ay alinsunod sa probisyon ng Seksyon 14 ng Republic Act 8551 o ang PNP’s Reform and Reorganization Act of 1998.
Layon ng random neuropsychiatric test na matiyak na nasa maayos na pag-iisip at kalusugan ang mga pulis na gumaganap ng kanilang tungkulin at responsibilidad sa bayan.