Manila, Philippines - Dalawang Japanese national ang dinakip ng operatiba ng Bureau of Customs (BoC) matapos umanong magpuslit ng halagang 4 million yen sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kamakalawa.
Sa report na isinumite ni Byron Carbonell, chief ng Customs Legal and Investigation Division kay BoC Commissioner Ruffy Biazon, kinilala ang mga suspek na nadakip na sina Jimbo Katsuo, 72 at Shitara Sake, 70.
Base sa report, naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng hapon sa NAIA Terminal 1, nabatid na galing ng bansang Japan ang dalawa at habang nagsasagawa ng inspection ang mga kagawad ng Custom sa nabanggit na paliparan, nakita sa x-ray machine ang napakaraming pera.
Dito na nasakote sina Katsuo at Shitara hanggang sa inaresto ito ni Carbonell at nang berapikahin ang dala nitong pera ay nagkakahalaga ng 4 million yen.
Sa ngayon ay sumasailalim sa interogasyon ang mga dayuhang suspek at pinag-aaralan na kung anong kaukulang kaso ang isasampa sa mga ito.