MANILA, Philippines - Magtatayo umano ng isang military garrison ang China sa kanilang bagong buong Sansha City sa Kalayaan Island Group o Spratly Islands sa West Philippine Sea.
Ayon sa report, inaprubahan na ng Central Military Commission (CMC) ng China ang pagtatatag ng kanilang military garrison bilang pagpapatatag ng kanilang depensa at pamamahala sa inaangking mga isla sa Spratlys na sakop ng Palawan, Paracel at Macclesfield islands sa Scarborough (Panatag Shoal) na nasa bahagi ng Zambales.
Sinabi ng China sa kanilang portal na ang kanilang garrison ay magsisilbing division-level command sa ilalim ng Hainna provincial sub-command ng People’s Liberation Army sa nasabing lugar.
Ang hakbang ng China na paglalagay ng military garrison ay bilang sagot naman sa diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China sa ilegal na pagtatayo ng Sansha City sa Spratlys na nasa teritoryo ng bansa.
Bukod dito, magpapadala din umano ng mga sundalong Tsino sa military base na itatayo sa Sansha City.
Noong Hunyo 28, 2012 ay naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China dahil sa pagtatayo ng Sansha City sa Spratlys.
Binigyang-diin ni Foreign Affairs spokesperson Raul Hernandez na kailangang respetuhin ng China ang sovereign rights ng Pilipinas sa Spratlys.
“The declaration on the establishment of Sansha City contradicts the spirit of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea between China and the ASEAN,” ayon kay Hernandez.