MANILA, Philippines - Aabot sa mahigit P2 bilyon ang inilaan ng Korte Suprema para sa konstruksyon ng mga gusali ng mga hukuman sa ilang bahagi ng bansa.
Sa idinaos na pulong balitaan, inanunsyo ni Atty. Gleo Guerra, acting PIO Chief ng Korte Suprema, na ang pondo ay magmumula sa existing savings ng korte.
Halos P2 bilyon o P 1.8 billion ang ilalaan para sa pagpapatayo ng Manila Hall of Justice sa dating GSIS building na magsisilbing gusali ng 120 korte sa Maynila.
Karagdagang P266 milyon naman ang inilaan para sa konstruksyon ng Cebu Court of Appeals na nauna nang pinaglaanan ng P40 milyon noong 2004.
Nagdagdag din ang SC ng mahigit P251 milyon mula sa naunang P40 milyon na inilaan para sa pagpapatayo ng Cagayan de Oro Court of Appeals Building.
Sa kasalukuyan, umuupa lamang ng mga tanggapan ang Court of Appeals ng Cebu at Cagayan de Oro.