MANILA, Philippines - Hindi pa pumapasok sa teritoryo ng Pilipinas ang 30 naispatang Chinese vessel sa Spratly Islands.
Ayon kay AFP Western Command Chief Lt. Gen. Juancho Sabban, wala pa sa 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ang naturang mga barko ng China o nasa 100 nautical miles pa ang layo sa pinakamalapit na teritoryo na inaangkin ng Pilipinas sa Spratly Islands.
Ang China ay nagtatag ng Shansa City o sariling gobyerno sa Spratly Island na iprinoprotesta ng mga bansang kaagaw nito.
Inihayag ng opisyal na ang Chinese fleet ay nag-ooperate sa sarili nitong katubigan na malapit lamang sa Fiery Cross Reef na dating pag-aari ng Vietnam.
Sa kabila nito, sinabi ni Sabban na patuloy nilang minomonitor ang mga barko at bangka ng China sa Spratly kaugnay ng posibleng intrusyon nito sa 200 EEZ na nasasaklaw ng bansa.
Inatasan na rin ni Sabban ang lahat ng unit ng Western Command na harangin ang mga pasaway na barko at bangka ng China kapag pumasok ito sa ating teritoryo.
Nabatid na ang fleet ng may 30 Chinese vessels galing Hainan ay dumating sa Yongshu Reef sa Spratlys na inaangkin rin ng Pilipinas, China, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam noong Lunes.
Nagbabala rin ang gobyerno sa China na huwag magsasagawa ng intrusyon sa teritoryo ng Pilipinas na maari nitong iprotesta. (Joy Cantos/Ellen Fernando)