MANILA, Philippines - Hinikayat ng isang kongresista si Pangulong Noynoy Aquino na ikonsidera na ang paggamit ng blinker sa protocol convoy nito.
Ito ay upang hindi na umano maulit pa ang pagharang ng pulis na si SPO2 Ricardo Pascua sa convoy ng Pangulo sa Commonwealth Avenue kamakalawa habang patungo ito sa La Mesa dam.
Paliwanag ni Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) party list Rep. Sherwin Tugna, kung ayaw umano ng Pangulo na gumamit ng sirena sa convoy nito ay kahit na blinkers ay dapat na itong gumamit.
Dahil sa ganitong paraan umano ay malalaman ng publiko na dumaraan ang Presidente at maiiwasan ang kalituhan sa pagbibigay daan ng mga motorista.
Subalit kung totoo man umano o hindi na nakita ni Pascua ang presidential convoy, sa palagay ni Tugna ay napapanahon na rin upang i-review ang President’s convoy protocol.
Sa tingin ng mambabatas kung walang wang-wang ay mas mabuting alternatibo ang paggamit ng blinkers ng Pangulo upang malaman ng publiko na ang Presidente o iba pang VIP na may kasamang security convoy ay dumaraan at hindi malito ang mga motorista kung dapat silang magbigay daan o hindi.