MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang babaeng miyembro sa Tinga Drug Syndicate na nag-operate sa lungsod ng Taguig ang naaresto ng mga operatiba ng Taguig Police-Drug Enforcement Unit (DEU) sa isang buy bust operation.
Kinilala ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang notoryus na pusher na si Elisa Tinga, alyas Ely, 53 anyos na kabilang sa top three sa listahan ng narcotics police sa mga distributor ng shabu sa lungsod habang ang dalawa pa na kasama nito ay nakilalang sina Andrea Escalante at Daniel Datinggaling. Nakumpiska sa pag-iingat nito ang 17 gramo ng shabu na nagkakahalaga umano ng P290,000.
Naaresto ang mga suspek sa isinagawang buy bust operation noong Hulyo 14 sa Kalayaan St., Barangay Ususan.
Nabatid na si Tinga ay asawa ng kilalang drug pusher din sa lugar na si Noel Tinga alyas “Noel Puso”na pamangkin umano ng isang pulitiko sa lungsod.
Si Tinga ang pang-pitong miyembro ng notorious “Tinga Drug Syndicate” na naaresto ng pulis simula pa noong 1996. Ilan pa sa naaresto sina Hector Tinga, Bernardo Tiñga gayundin nadakip sina Fernando, Allan Carlos at Alberto na pawang may apelyidong Tiñga sa mga katulad na kaso laban sa droga at noong nakaraang taon ay si Joel Tinga.
Agad namang pinapurihan ni Cayetano ang Taguig Police sa papamumuno ni Senior Supt. Tomas Apolinario Jr. dahil sa aktibong pagtutok nito sa illegal na droga sa lungsod.
Bago pa man manungkulan si Cayetano sa lungsod ay isa na ang Taguig sa mga drug hot spot ng PNP ngunit unti-unti nang naalis sa Taguig ang imaheng ito dahil na rin sa ginawang pagtutok ng lokal na pamahalaan sa problema partikular na ang ginawa nitong pagpapalakas sa Taguig Anti Drug Abuse Council at pagpapatayo ng rehabilitation center para sa mga nahuhuling drug users.
Umaasa naman ang lungsod na magiging katuwang nila ang hudikatura sa pagsugpo sa illegal na droga, aniya, may limitasyon ang maaaring magawa ng lungsod at ng kapulisan dahil ang korte pa rin ang syang magpapataw ng parusa.