MANILA, Philippines - Dalawang bata ang kinumpirmang nagpositibo sa enterovirus.
Ito’y matapos suriin ang pitong specimen na dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang Muntinlupa City.
Pero ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, kinukumpirma pa rin nila kung kaparehong ev-71 virus na nagdadala ng iba’t ibang sakit ang tumama sa mga hindi pa tinukoy na mga bata na nasa maayos namang kalagayan.
Paliwanag ni Tayag, ang nasabing enterovirus at ang mild hand, foot and mouth disease ay nakakaapekto sa milyong tao sa mundo kada taon.
Gayunman, wala aniyang dapat na ikabahala dahil ang tumatama naman sa Pilipinas ay hindi fatal at self-limiting illness.
Kasabay nito ay iginiit din ng health official na walang travel restrictions na ipinalalabas sa mga pasaherong patungo at galing sa Cambodia.