MANILA, Philippines - Isang restaurant owner ang nagreklamo matapos makontamina ng dumi at tubig ang kanyang high-end na restawran.
Ang aksidente ay nagdulot ng malaking pinsala sa Le Bistro Vert na naging dahilan para isara ng may-ari ang naturang restawran.
Nagsampa ng kaso sa regional trial court sa Makati City ang negosyanteng si Pacita Juan ng Ecofoods of the Earth Inc., na nag-ooperate ng high-end restaurant na Le Bistro Vert.
Noong December 23, 2011, habang puno ng mga bisita ang Le Bistro Vert sumabog ang sewage drain pipe ng Unit 306 ng isang condo sa Makati, na direktang nasa itaas ng Bistro Vert, at nagdulot ito ng pagbaha sa restawran ng galon-galong mabahong tubig. Dahil dito, napuwersa ang naturang restawran na magsara kinabukasan at nanatili na itong sarado hanggang sa kasalukuyan.
Humihingi si Juan at ang Ecofoods ng actual damages na umaabot sa P10.2 million bilang kabayaran sa repairs at replacement ng mga equipment ng Le Bistro Vert; kompensasyon sa mga na-terminate na empleyado, kabilang na ang kanilang suweldo, separation pay at 13th month pay; loss of income, realized and unrealized; at brand equity ng Le Bistro Vert.
Humihingi rin ng moral damages si Juan na nagkakahalaga ng P500,000; exemplary damages na P200,000; at attorney’s fees na umaabot sa isang milyong piso bukod pa sa magagastos sa litigasyon.