MANILA, Philippines - Ipinakita ng libu-libong tagahanga ang pagmamahal sa yumaong Hari ng Komedya sa pagdagsa sa “public viewing” ng mga labi ni Rodolfo Vera “Dolphy” Quizon, Sr. sa Heritage Park sa Taguig City kahapon.
Dakong alas-5 pa lang ng madaling araw ay pumila na ang mga tagahanga ni Dolphy kabilang ang ilang mga nakakatanda na nakasubaybay ng karera nito sa showbiz mula nang mag-umpisa sa teatro at madiskubre ni Fernando Poe, Sr.
Dakong alas-8 na ng umaga nang payagang isa-isang makapasok ang mga ito.
Pumatok naman ang pagtitinda ng mga t-shirt at iba pang memorabilia na naka-imprenta ang larawan ni Dolphy at mga katagang “We Love You Dolphy” sa labas ng Heritage Park.
Naging mabilis naman at organisado ang pagpasok ng mga tagahanga na binigyan lamang ng tig-5 segundo upang masilayan ang labi ni Dolphy.
Nagtapos ang public viewing dakong alas-3 ng hapon kung saan hindi na nagpumilit ang mga tagahanga na hindi umabot sa oras.
Kabilang naman sa mga kilalang personalidad na nagtungo kahapon sa burol sina dating first lady at Ilocos Rep. Imelda Marcos, Senator Lito Lapid, Director Eddie Romeo at mga opisyales ng Movies Television Review and Classification Board (MTRCB).
Magiging araw-araw ang public viewing mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon hanggang Sabado.