MANILA, Philippines - Inatasan ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario si bagong Philippine Ambassador to China Sonia Brady na isulong ang konsultasyon sa pagitan ng China upang maresolba ang sigalot o tensyon sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Del Rosario, hindi pa pormal na bumabalik sa konsultasyon ang Pilipinas at China hinggil sa usapin sa pinag-aagawang teritoryo sa Scarborough o Panatag Shoal subalit binigyan na umano nito ng instruksyon si Brady na isagawa ito sa panig ng pamahalaan.
Nabatid kay Del Rosario na ipinasa na ng DFA sa Malacañang ang kanilang rekomendasyon para sa tamang paghawak sa territorial dispute sa shoal o Majo de Masinloc na tinawag ng China na Huangyan islands.