MANILA, Philippines - Isang aid worker na Pilipino at tatlo niyang kasamahan sa isang refugee camp sa Kenya ang dinukot ng hindi pa makilalang mga armadong tao kamakalawa. Napatay sa insidente ang kanilang driver at dalawa ang nasugatan.
Sinasabi sa isang ulat na ipinoste sa news site ng Somalia report at lumabas sa website ng GMA News na ang Pilipino at tatlo niyang kasamahan ay pawang nagtatrabaho sa Norwegian Refugee Council.
Sinasabi pa umano sa Somalia report na naganap ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga sa Ifo2 West Dadaab refugee camp na 100 kilometro ang layo mula sa hangganan ng Somalia.
Batay sa mga impormante, kinilala ng Somalia report ang mga biktima na sina Glenn Cotes, shelter project officer (Philippines); Stephen Denis, puno ng emergency program (Norway); Korat, country director (Canada); at isang livelihood officer mula sa Pakistan.
Binaril din ng mga suspek ang Kenyan driver ng mga biktima na nakilalang si Abdi Ali.
Naganap ang insidente sa unang araw ng kanilang pagbisita sa kampo makaraang dumating mula sa Nairobi, ayon sa report.
Ayon sa Somalia Report, papasakay sana ang apat na biktima sa isang sasakyang merong markang “UNHCR property” nang barilin ng mga suspek ang driver.
Isinagawa na ng Kenyan military at police ang malawakang pagtugis sa mga kidnapper at pagsaklolo sa mga biktima. Natagpuan naman ang sasakyan ng UNHCR na inabandona sa may layong 20 kilometro mula sa kampo.