MANILA, Philippines - Nakahanda ang Liberal Party (LP) na tanggapin si Sen. Koko Pimentel sa kanilang senatorial line-up matapos magdesisyon itong umalis sa United Nationalist Alliance (UNA) kamakalawa.
Sinabi ni Budget Sec. Butch Abad, secretary-general ng LP, sa sandaling pumayag si Pimentel na mapabilang sa tiket ng administrasyon ay makakasama nito ang 14 pang pinagpipilian ng LP para sa senatorial line-up sa 2013 elections.
Subalit ayon sa isang opisyal ng partido na tumangging magpakilala, kasama sa mga pinagpipilian ang pinsan ni Pangulong Aquino na si Bam Aquino, dating chairman ng National Youth commission at anak ni Paul Aquino, kapatid ni dating Sen. Benigno Ninoy Aquino Jr.
Kasama rin sa mga ikinukunsidera sina Tesda Director-General Joel Villanueva, Aurora Rep. Sonny Angara, dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros, Sen. Antonio Trillanes, Sen. Alan Peter Cayetano, dating Las Piñas City Rep. Cynthia Villar, dating Surigao del Norte Gov. Robert Ace Barbers, Sen. Chiz Escudero, Sen. Loren Legarda, Customs Commissioner Ruffy Biazon, Sen. Ramon Magsaysay, Deputy Speaker at Quezon Rep. Lorenzo “Erin” Tañada at MTRCB chairperson Grace Poe-Llamanzares
Dalawa umano sa naturang pangalan ang tatanggalin subalit depende pa rin umano sa magiging desisyon ng liderato.
Nabatid na 13 ang ihahandang listahan ng LP dahil sa napipintong pagbibitiw ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na mapapabilang na sa International Criminal Court.