MANILA, Philippines - Mariing tinutulan ng iba’t ibang grupo sa lungsod ng Olongapo ang plano ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Roberto Garcia na ipasara at buwagin ang Subic Bay International Airport upang bigyan daan ang pagtatayo ng isang commercial complex na may mga condominiums, malls at iba pang recreational facilities.
Nagkaisa ang Sangguniang Panlungsod, mga negosyante, tourism groups at mga residente ng Olongapo at ng Subic Freeport sa pagsasabing hindi praktikal ang balak ni Garcia.
“Saan ka nakakita ng world-class Freeport na walang airport? Yung iba ngang lugar sa bansa na dinadayo ng mga turista gustong magkaroon ng airport, tapos itong airport sa Subic na ginastusan ng $40 milyon ipapasara niya? Kalokohan yan,” bulalas ni Gary Marasigan, tagapagsalita ng Olongapo-Subic Travel Agencies Association.
Ayon sa bagong SBMA Chairman ay hindi na kumikita ang SBIA mula ng lisanin ito ng higanteng courier na FedEX at wala na itong masyadong pakinabang. Bankrupt na aniya ang SBMA at ang pagtatayo ng isang commercial zone sa 200 hektaryang lugar sa Cubi Point ang isa sa nakikita niyang solusyon.
Sinabi naman ng Sangguniang Panlungsod sa ipinalabas nitong resolusyon na bagama’t suportado nila ang pagpapalawak ng mga negosyo sa Subic ay hindi kailangan isara ang airport.
Marami pa diumanong lugar sa Subic Special Economic Zone na puwedeng pagtayuan ng naturang commercial complex katulad ng higit na malawak na Redondo Peninsula na may sakop na 3,800-hektarya at puwedeng ihalintulad sa Kowloon sa Hongkong at Taipa sa Macau.