MANILA, Philippines - Hiniling ng isang grupo ng mga commuters sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik na sa P7.50 ang minimum na pasahe sa pampasaherong jeep makaraan ang panibagong rolbak ng mga kumpanya ng langis nitong Martes.
Inihahanda na ng National Council for Commuters Protection (NCCP) ang petisyon matapos na bumaba na sa kulang P48 kada litro ang presyo ng gasolina at P38 kada litro ang presyo sa diesel.
Sinabi ni NCCP president Elvira Medina na hindi na nila hihintayin pa na umabot sa P37 ang kada litro ng diesel dahil nais nila na agad na maramdaman ng mga mananakay ang kapakinabangan nito kahit na P.50 sentimos lamang ang matatapyas.
Sang-ayon naman dito ang grupong Pasang Masda ni Obet Martin na umaasa na susunod sa kanilang aksyon ang ibang mga transport groups tulad ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) at FEJODAP.
Inaasahan naman ng NCCP na patuloy na babagsak ang presyo ng lokal na petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa patuloy na pagbulusok ng halaga ng langis sa internasyunal na merkado base sa kanilang monitoring.