MANILA, Philippines - Dahil sa pinakahuling insidente ng ‘road rage’sa Quezon City kung saan dalawa katao kabilang ang isang estudyante ang naging biktima ng pamamaril ng isang motorista, iginiit kahapon ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos ang agarang pagpasa ng Senate Bill 2923 na tatawaging Road Rage Law.
Nais ni Marcos sa kaniyang panukala na maging mandatory ang pagbibigay ng seminar at anger management sa mga drivers na masasangkot sa ‘road rage’ na pangungunahan ng Land Transportation Office (LTO).
Aatasan din ang LTO na magbigay ng trainings at seminars kaugnay sa road rage sa mga nagnanais sumailalim dito.
Posible ring maharap sa habambuhay na kanselasyon ng driver’s license ang mga taong masasangkot sa road rage sa sandaling maging ganap na batas ang panukala ni Marcos.
Iginiit din ng senador na mabigyan ng rewards ang sinumang magbibigay ng impormasyon na magreresulta ng pagkaaresto at conviction ng suspek na nasangkot sa road rage.
Ang reward para sa mga informers ay isasama sa taunang budget ng LTO at pananatilihing confidential ang identity ng mga magsusumbong.