MANILA, Philippines - Dapat umanong magsampa ng kaso ang Pilipinas laban sa Hongkong registered vessel dahil sa pagkakabangga nito sa bangka ng mga Pinoy sa Panatag Shoal kung saan nagresulta sa pagkamatay ng isang mangingisda.
Ayon kay Parañaque Rep. Roilo Golez, kailangang matunton ng gobyerno ang ship master ng barko at kasamang papanagutin sa batas.
Dalawa umano ang maaring isampang kaso ng gobyerno tungkol dito, una ang reckless imprudence resulting in death at failure to aid boat in distress.
Namatay sa insidente si Christopher Carbonel, tatlo ang sugatang nasagip at apat pa ang nawawala. Ang mga ito ay pawang residente ng Bolinao, Pangasinan na dumayo lamang sa pangingisda sa teritoryong pinagtatalunan ng Pilipinas at China.
Hinikayat naman ni Golez ang Department of Justice (DOJ) na pag-aralan kung maaring ihain ang kaso sa Philipine Board of Marine Inquiry dahil nangyari ang insidente sa loob ng Exclusive Economic zone subalit labas naman ng territorial sea ng bansa.
Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na malinaw na nilabag ng crew ng HK vessel ang international law nang iwan at hindi tulungan ang mga Pinoy matapos mabangga ang bangka ng mga ito.
Para kay Colmenares sa International Tribunal in the Law of the Sea o ITLOS dapat magsampa ng kaso ang Pilipinas kaugnay ng nasabing insidente.
Sa kabila into, nilinaw naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na aksidente lang ang nangyari.
Ayon kay Gazmin, malakas umano ang alon at sa sobrang liit ng bangkang pangisda ng mga Pinoy ay hindi ito napansin ng mga sakay ng M/V Peach Mountain.
Sinabi naman ni Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama na mahigit sa 90 barko at mga bangka ang dumaan sa lugar kaya mahirap matukoy kung sino talaga ang nagmamay-ari ng dayuhang barko na nakabangga sa mga mangingisdang Pinoy.