Manila, Philippines - Nagalak ang Simbahang Katoliko sa pagbawi ni Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino sa inihaing House Bill 6330, na tinaguriang Ban God bill.
Ayon kay dating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dapat lamang na iurong ang naturang panukala dahil hindi dapat na i-ban ang Panginoon sa alinmang lugar.
“Salamat naman! Kasi naman “copy cut” lang yan sa America. Isang mapanlinlang na panukalang batas. Kasi nga religious freedom daw ngunit nagbabawal ng expressions of religious beliefs,” pahayag naman ni incoming San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, sa text message nito sa Radio Veritas.
Pinayuhan naman ni Antipolo Auxiliary Bishop Francis de Leon si Palatino na umisip ng mabuting batas na magiging kapaki-pakinabang para sa mga kabataan.
Nauna rito, umani ng batikos hindi lamang sa mga Catholic bishop kundi maging sa kaniyang mga kapwa mambabatas at iba pang sector ng lipunan si Palatino dahil sa kaniyang kontrobersiyal na panukala.
Alinsunod sa Ban God bill, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdi-display ng mga religious images at pagdaraos ng religious ceremonies sa mga tanggapan ng gobyerno.