MANILA, Philippines - Hiniling kamakailan ng isang party-list organization na kumakatawan sa sektor ng kooperatiba ang pagpapalabas ng isang temporary restraining order (TRO) laban sa ilang indibidwal dahil sa di-umano’y kanilang patuloy na pagpapakilala bilang mga opisyal ng samahan.
Sa isang mosyon na inihain ng Ating Koop partylist sa Quezon City regional trial court (RTC) Branch 90, kinilala ni Ating Koop partylist president Rafael Puentespina ang mga indibidwal na sina Amparo Rimas, Rito Fabella, Aurelio Jose, Jr., Jose Torres, Jr., Lancelot Padla, Romeo Candazo, Erlinda Duque, Mona Benosa, Roberto Mascarina, Geronimo Zapata, Rey Dennis Gilbas, Cristina Salvosa, Francisco Pineda, Jr., at Eden Sarne.
Naghain naman ng “manifestation” sa korte ang mga naturang indibidwal na humihinging ipawalang bisa ang kahilingan ng Ating-Koop partylist dahil sa isang probisyon na tumutukoy sa mga alituntunin hinggil sa “intra-corporate controversy on nuisance on prohibited cases”.
Dahil sa manipestasyon, binigyan ng korte ang dalawang partido ng takdang panahon upang maghain ng kanilang mga posisyon.
Nagsimula ang legal na alitan ng dalawang grupo ng mabuo ang isang faction sa Ating Koop partylist na kumukwestyon sa pagiging lehitimo ng kasalukuyang opisyales ng partido kabilang na si Cong. Isidro Lico na siyang kinatawan ng partido sa Kongreso.
Pinanindigan naman ng Ating Koop na ang mga kasalukuyang pinuno, lalo na ng “central committee” ay nahalal ng ayon sa alituntunin at konstitusyon ng partido.