MANILA, Philippines - Pinababalik sa dating puwesto ng Civil Service Commission (CSC) sa Bureau of Customs si Reynaldo S. Nicolas sa posisyon nito bilang Deputy Commissioner matapos siyang illegal na sibakin noong Setyembre 2010.
Bukod sa pagbabalik sa puwesto bilang Deputy Commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group, iniutos din ni CSC Commissioner Mary Ann Fernandez-Mendoza sa BoC na bayaran ang back salaries at iba pang benepisyo ni Nicolas magmula nang siya ay alisin sa puwesto hanggang sa kanyang actual reinstatement.
Ayon sa resolusyon ng CSC, noong Hunyo 17, 2009, si Nicolas ay ini-reappoint bilang Deputy Commissioner bilang hepe ng Intelligence and Operations Coordinating Group (AOCG).
Gayunman, itinalaga ni Pangulong Aquino si Atty. Gregorio B. Chavez bilang Acting Deputy Commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group kapalit ni Nicolas.
Naupo sa posisyon si Chavez bilang Deputy Commissioner for AOCG noong ikalawang linggo ng Setyembre 2010.
Kaya naman, sa pagsisimula ng Oktubre 2010, inalis ng BoC ang pangalan ni Nicolas sa payroll ng ahensya na nagresulta sa hindi niya pagkakatanggap ng kanyang sweldo at iba pang benepisyo.
Bunsod nito, noong Enero 11, 2011, dumulog si Nicolas sa CSC at idinaing ang aniya’y pagbalewala ng BoC sa kanyang security of tenure sa posisyon.
Marso 10, 2011, nakatanggap siya ng kopya ng memorandum na may petsang Pebrero 24, 2011 mula kay Executive Secretary Paquito Ochoa na naka-address kay BoC Commissioner Angelito Alvarez, nakasaad na hindi maaaring mag-claim si Nicolas ng security of tenure bunsod ng kawalan ng CES eligibility.
Noong Mayo 11, 2011, naghain si Nicolas ng reklamong illegal termination sa komisyon. Agosto 15, 2011, idineklara ng CSC na ang pagsibak sa serbisyo kay Nicolas ay “invalid” at iniutos sa BoC ang pagbabalik sa kanya sa serbisyo at iniutos din bayaran ang kanyang back salaries at iba pang benepisyo.
Idinahilang taglay ni Nicolas ang kwalipikasyon sa posisyon ng Deputy Commissioner kaya siya ay may karapatan sa security of tenure at hindi maaaring sibakin maliban na lamang kung may sapat na dahilan.
Nitong Enero 4, 2012, ibinasura ng CSC ang motion for reconsideration na inihain ni BoC Commissioner Alvarez kaugnay sa nasabing desisyon.