MANILA, Philippines - Mas pinabilis ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang pagrerehistro ng mga banyaga na nasa bansa.
Ito’y matapos magpalabas ng bagong patakaran si Immigration Commissioner Ricardo David Jr. Sa pamamagitan ng isang memorandum circular na magpapadali sa pagproseso ng aplikasyon ng Alien registration identity card o ACR-I-Card.
Alinsunod sa naturang bagong alituntunin, kailangan hindi lumampas sa limang araw ang pagproseso ng ACR-I-Card.
Nakasaad sa memo ni David na may kaukulang parusa ang sinumang kawani ng BI kapag hindi sinunod ang kanyang ibinigay na timeline sa pagproseso ng nabanggit na dokumento.