MANILA, Philippines - Dismayado ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) sa desisyon ng mga judges na pumabor kay Timothy Bradley para matalo si boxing icon Manny Paquiao para sa WBO welterweight title sa MGM grand garden Arena.
Ayon kay PNP chief director General Nicanor Bartolome, bagama’t nalulungkot sila sa pangyayari, kailangan umanong tanggapin ang desisyon ng mga judges sa naturang laban tulad ng ginawa ni Pacquiao na tinanggap ang kanyang pagkatalo.
“Kahit nakita naman natin sa mga pangyayari na may kalamangan ang ating pambansang kamao na si Manny ay ganon pa rin ang desisyon at malugod naman niyang tinanggap kaya dapat ay ganon din tayo,” sabi pa ni Bartolome.
Gayunman, umaasa pa si Bartolome na magkakaroon ng rematch dahil gusto rin nitong makabawi at ipakita na rin na siya ang nanalo sa laban.
“Mayroon don sa mga rounds na malapit ng bumagsak si Bradley dahil yung tuhod niya ay gumegewang na..kaya sabi ko mapapaaga ata ang round, pero it happen na nakakarekober siya,” sabi pa ni Bartolome.
Pero giit nito, ang importante ay ipinakita ni Pacman kung papaano tinanggap ang resulta.
“Doon natin nakikita na in-accept ni Pacman ang verdict ng judges. Yun ang trademark ng tutoong icon sa boksing ang tanggapin ang desisyon at pagkatalo,” dagdag pa ni Bartolome.
Samantala sinabi ni Bartolome na sa laban ni Pacman at Bradley ay walang naitalang karahasan sa buong bansa at umaasa siyang magpapatuloy ito kahit wala ng laban ang pambansang kamao.