MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ng isang grupo ng mga taxi operators ang hirit ng commuters group na maibalik sa P30 ang kasalukuyang P40 na flag down rate sa taxi.
Sinabi ni Quezon City Councilor at Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) President Bong Suntay na walang basehan ang kahilingan ng National Council for Commuters Protection na ibalik sa P30 ang flag down rate sa taxi.
Sinabi pa ni Suntay na maghahain ang kanyang grupo ng oposisyon sakaling isalang na sa pagdinig ng LTFRB ang bagay na ito.
Ipinaliwanag ni Suntay na nasa P 21.50 pa lamang ang presyo ng AUTO LPG at P38 naman ang presyo ng kada litro ng unleaded gasoline noong bago itaas sa P40.00 ang flag down rate sa taxi.
Sa ngayon anya ay nasa P 27.50 na umano ang halaga ng auto LPG habang P57 ang unleaded gas na masyadong mataas pa rin para sa kanilang operasyon.
Sa tantiya ni Suntay, malulugi ng P350 kada araw ang mga taxi operators sa bawat unit kung ibabalik sa P30 ang flag down rate sa taxi.