MANILA, Philippines - Bumungad ang dati at lumang problema sa mga guro at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school sa unang araw ng pagbubukas ng school year 2012-2013 kahapon.
Mismong si Education Secretary Bro. Armin Luistro ang umamin na nasa 51,000 silid-aralan pa ang kulang sa bansa upang maiwasan ang matinding pagsisiksikan ng mga batang mag-aaral sa mga lungsod at pagtuturo naman sa ilalim ng mga puno sa ibang lugar sa mga lalawigan.
Inamin rin nito na nasa 20,000 regular na guro pa ang kanilang kakapusan kahit na inilunsad na nila ang K to 12 program na magdaragdag ng 2 taon sa basic education sa bansa at mangangailangan ng dagdag na guro.
Naglunsad naman ng kilos-protesta ng mga mag-aaral na miyembro ng League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan sa tapat ng DepEd Central Office kung saan ay kanilang kinukondena ang puwersahan umanong implementasyon ng K to 12 program kahit wala pa itong lehislasyon.
Ayon sa grupo, binubulag umano ng DepEd ang publiko sa pagbibigay ng mas mababang numero sa kanilang kakapusan. Sa kanilang pagtataya, nasa 132,483 pa ang kakapusan sa guro kabilang ang sa kindergarten, 97,685 na silid-aralan, bukod pa sa 153,709 sanitation facilities.
Sa ginagawa umano ng DepEd, mistulang para na lamang sa mga elitista o mayayaman ang pag-aaral sa kolehiyo habang binabawasan ng pondo ang mga state colleges and universities at itinataas ang matrikula.