MANILA, Philippines - Tatlong OFWs na nasa death row ang tuluyang nasagip sa parusang bitay matapos mabigyan ng pardon ng Malaysian government.
Kinilala ang tatlong Pinoy na sina Basir Omar, Jaliman Salleh at Aldipal Hadani.
Noong Mayo 22, nagpalabas ng desisyon ang Malaysian Pardons Board na nagbibigay ng commutation sa sentensya na bitay kay Omar sa 13 taon at 7 buwang pagkabilanggo. Sa bagong sentensya ay magsisimula ito sa pagbilang nang ibaba ang petsa ng pardon.
Samantala ang parusang bitay kay Salleh at Hadani ay ibinaba sa 15-taong pagkabilanggo mula sa ipinalabas na desisyon noong Mayo 14 sa Kota Kinabalu.
Sa rekord, sina Salleh at Hadani ay naaresto noong Hulyo 8, 2008 sa Kota Kinabalu matapos na mahulihan ng 867.1 grams ng cannabis (marijuana) sa kanilang bagahe at sinentensyahan ng bitay ng Sabah High Court noong Hunyo 5, 2010.