MANILA, Philippines - Kabuuang P5.7 milyon ang nagastos ng prosecution panel para sa mahigit na apat na buwang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay An-Waray party list Rep. Florencio “Bem” Noel na siya ring tumatayong Chairman ng House Committee on Accounts, sa naturang halaga P4.43 milyon ang na-liquidate samantalang nasa P1.38 milyon pa ang hindi nali-liquidate kaya’t umabot ang kanilang gastos sa P5.7 milyon.
Sa nasabing halaga, malaki umano ang nagastos ng prosekusyon sa mga office supplies na umabot sa P2.1 milyon kasama na ang mga reimbursement sa gasolina at rental equipment habang ang inilaan naman para sa pagkain ng prosekusyon ay umabot sa P1.79 milyon.
Matatandaan na naglabas ang liderato ng Kamara ng P5 milyon bilang pondo ng prosekusyon para sa Corona impeachment trial subalit humirit pa rin ang panel ng karagdagang budget dahil nagtagal ang paglilitis.
Ang P5 milyon umano ay bench mark lamang ni House Speaker Feliciano Belmonte sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, may 12 taon na ang nakalilipas subalit hindi naman umano ito umabot ng dalawang buwan kaya’t maituturing umano na resonable na ang gastos ng prosekusyon dahil umabot ang paglilitis ng apat na buwan at sumobra lang ang gastos nila ng P.7 milyon.