MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang isang 68-anyos na OFW kay Vice President Jejomar Binay at sa Department of Foreign Affairs na tulungan siyang mapauwi sa Pilipinas dahil sa lumalalang karamdaman sa Saudi Arabia.
Ang maselang kondisyon ng kalusugan ni Nemencio Valencia, tubong Lipa City, Batangas ay inireport sa Migrante-Middle East ng isang Leon Camateo, isa ring OFW na tumira sa isang flat na pansamantalang tinutuluyan ngayon ng nasabing may sakit na Pinoy.
Sinabi ni Migrante-ME regional coordinator John Leonard Monterona, na nakaka-survive lang si Valencia sa Saudi dahil na rin sa tulong at kontribusyon ng mga kaibigan at kapwa OFWs para sa kanyang pagkain at gamot.
Nabatid na nagtangka umanong humingi ng assistance ni Valencia sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh subalit sinabihan umano siya na mangalap ng 8,000 Saudi Riyals o P90,000 bilang multa sa pagiging overstaying nito.
Si Valencia ay naging undocumented matapos na tumakas sa kanyang employer, may 10 taon na ang nakalilipas. Nagtrabaho siya bilang taxi driver sa Saudi subalit napilitang tumigil dahil sa takot na maaresto ng Saudi Police.