MANILA, Philippines - Nag-walkout kahapon sa impeachment trial si Chief Justice Renato Corona matapos magbigay ng opening statement na inabot ng halos 3 oras.
Pero matapos magsalita ay biglang bumaba sa witness stand si Corona kahit hindi pa ito pormal na nadi-dismiss ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Hindi nagustuhan ni Enrile ang pagwo-walkout ni Corona kaya inatasan nito ang lead counsel ng depensa na si Serafin Cuevas na pabalikin sa witness stand ang kanilang kliyente.
Ipinag-utos rin ni Enrile na isarado ang lahat ng pinto na maaaring labasan ni Corona sa Senado maging ang gate sa parking lot na nasa basement upang hindi makalabas ang sasakyan nito.
Nagbanta si Enrile na magbababa ng hatol kung hindi babalik ngayong araw ang chief justice para sa cross-examination.
Ipatatanggal din ni Enrile sa record ng impeachment court ang lahat ng pahayag ni Corona kung hindi ito sasailalim sa cross examination.
Sinabi naman ni Serafin Cuevas, lead counsel ni Corona na maghahain sana siya ng manifestation pagkatapos ng mahabang opening statement ni Corona pero agad itong nakalabas ng session hall dahil masama ang pakiramdam.
Hindi umano layunin ng kaniyang kliyente na bastusin ang impeachment court.
Pero ipinunto ni Enrile na maaari naman itong magpaalam ng maayos at hindi dapat sinabing “I am the Chief Justice I want to be excused”.
Bumaba umano ang blood sugar ni Corona na isang diabetic kaya bigla itong umalis ng session hall.
Matapos na lumabas si Corona at asawa nitong si Cristina sa session hall ay kaagad itong dumiretso sa Senate clinic.
Paliwanag naman ng manugang ni Corona na si Dr. Constantino Castillo, 20 minuto bago umupo sa witness stand ang punong mahistrado ay nahihilo na, lumalabo ang mata at nahihirapan ng huminga.
Ito ay bunsod na rin sa hindi umano panananghalian at pagbaba ng kanyang blood sugar at pagtaas naman ng kanyang blood pressure.
Ayaw umano ni Corona na himatayin ito sa session hall kayat lumabas na lamang ito matapos na maramdaman ang hirap sa paghinga.
Pinabulaanan naman ng abogado ng punong mahistrado na si Atty. Jud Roy na scripted ang pagkakasakit ng punong mahistrado.
Matapos ang ilang minuto ay kaagad na bumalik si Corona sa session hall na sakay na ng wheelchair.
Habang isinusulat ang balitang ito ay isinugod umano sa Medical City si Corona.