MANILA, Philippines - Pinaboboykot ng mga religious groups ang nakatakdang concert ng “Pop Diva” na si Lady Gaga sa Mall of Asia dahil hindi umano ito magandang impluwensiya sa mga mamamayan partikular sa mga kabataan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), dapat iprotesta ng mga Katoliko ang konsiyerto dahil hindi naman ito magpapataas sa moral ng mga kabataan kundi makasisira pa umano sa kanilang moral values.
Sinabi ni Pabillo na hindi magandang impluwensiya sa mga Pinoy si Lady Gaga at hindi matatawag na freedom of expression ang kanyang konsiyerto dito.
Naniniwala rin si Pabillo na sisirain lamang ng naturang concert ang pananampalatayang Katoliko at katuruang moral ng Simbahan.
Sinabi pa ni Pabillo na dapat na i-protesta ng mga Katoliko ang naturang konsiyerto tulad ng ginawa ng ibang bansa na tinutulan ito dahil hindi magandang impluwensiya sa kanila.
Nakiisa ri si PPCRV chairperson at dating Philippine Ambassador to the Vatican Henrietta de Villa sa panawagan na i-boykot at huwag pahintulutan na makapag-concert sa bansa si Lady Gaga.
Ayon kay de Villa, tama lamang na magkaroon ng national conviction ang mga mamamayan laban sa international singer dahil sa pambabastos nito sa pananampalataya ng mga Pinoy.
Kahapon ay sumugod ang grupong Biblemode Youth sa pangunguna ni Pastor Reyzel Cayanan ang Pasay City Hall upang ipanawagan kay Mayor Antonino Calixto ang pagpapatigil sa nakatakdang concert sa Mall of Asia sa naturang lungsod sa Mayo 21 at 22.
Labag umano sa turo ng Panginoon ang ginagamit na “imagery” at mga lyrics sa kanta ni Lady Gaga lalo na’t isang Katolikong bansa ang Pilipinas. Partikular na inirereklamo ang kanta ni Gaga na may pamagat na “Judas” na may mga lyrics na sumisira umano sa imahe ng Panginoon.
Sa “letter of concern” na ipinaabot ng grupo kasama sina dating Manila Mayor Lito Atienza at Atty. Romulo Macalintal kay Calixto, ipinaliliwanag nito na maaaring lumabag ang singer at ang producers ng concert sa Article 201 ng Revised Penal Code na nagsasaad na: “any person who publicly exhibits or cause the exhibition of any indecent or immoral shows which “offend any race or religion” or “are contrary to morals, good customs, and established policies” shall suffer the penalty of six months and one day to six years imprisonment”.
Matatandaan na kinansela ang concert ni Lady Gaga sa Indonesia habang sinalubong rin ng kilos-protesta sa South Korea.
Itinanggi naman ni Renen de Guia ng Ovation Productions Inc., ang promoter ng concert ni Lady Gaga, na anti-Christ ang singer.
“Walang katotohanan na anti-Christ si Lady Gaga. Artists constantly reinvent themselves and want to be controversial,” wika ng promoter. (May ulat ni Rudy Andal)