MANILA, Philippines - Ihaharap na ng depensa si impeached Chief Justice Renato Corona sa Martes, Mayo 22.
Pinagbigyan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang apela ni Atty. Judd Roy, abogado ng depensa, na sa halip sa Lunes ay ihaharap nila si Corona sa Martes dahil masyadong maraming dokumento ang kailangan nilang i-review lalo na yong mga iniharap ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales tungkol sa sinasabing dollar accounts ng chief justice.
Nais ng depensa na busisiin ang report ng Anti-Money Laundering Council kung saan nakuha ng Ombudsman ang sinasabing 82 dollar accounts ni Corona na nakapaloob sa nasa 400 transaksiyon.
Hiniling din ni Roy ang soft copy ng Power Point Presentation ng AMLC report na iniharap ni Morales sa impeachment court.
Pinagbigyan ni Enrile ang depensa sa kanilang kahilingan tungkol sa paghaharap kay Corona upang hindi umano maakusahan ang impeachment court na bias ito sa chief justice.
Pero pinatiyak ni Enrile na hindi na muling ipagpapaliban ang pagharap ni Corona.
Dahil si Corona na ang huling testigong ihaharap ng depensa, hindi magkakaroon ng impeachment trial ngayong Huwebes at sa Lunes.
Una ng sinigurado ni Enrile na igagalang at hindi makakaranas ng pambabastos si Corona sa sandaling humarap ito sa impeachment court.
Samantala, sinabi ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada na tanging si Corona na lamang ang maaaring makapagsalba sa kaniyang sarili.
Ayon kay Estrada, masyadong “damaging” ang testimonya ni Ombudsman Morales kung saan ibinigay nito ang detalye ng mga dollar accounts ni Corona sa iba’t ibang bangko na nakuha naman sa Anti-Money Laundering Council (AMLA).
Sinabi rin ni Estrada na posibleng nagkaroon ng multiple entries sa 82 account numbers ni Corona kaya dumami ang bilang ng account nito.
Ipinaliwanag ni Estrada na ang isang time deposit, sa sandaling dumating na ang maturity nito at ini-roll, iba na ang magiging account number ng deposito.
Siniguro naman ni House Deputy speaker Erin Tanada na magiging magalang ang prosekusyon sa pagtatanong o sa cross examination kay Corona sa pagharap nito sa impeachment court.
Tiniyak ni House Deputy speaker Erin Tañada na ipantatapat ng prosekusyon kay Corona ang isang mahinahon at mahaba ang pasensyang prosecutor bagama’t hindi nito binanggit kung sino sa mga miyembro ng 11-man prosecution team ang tatayo upang magtanong sa punong mahistrado.