MANILA, Philippines - Palalakasin ng Department of Education (DepEd) ang pagtuturo ng dayuhang lengguwahe sa mga pampublikong paaralan kung saan isasama na sa kurikulum ang “Chinese languages”.
Muling magsasagawa ang DepEd ng Special Program in Foreign Languange (SPFL) 2012 Summer Training Courses for Teachers upang mapataas ang kaalaman ng mga guro sa pagtuturo ng mga dayuhang wika.
Unang inilunsad ang SPFL noong 2009-2010 sa mga piling high schools kung saan unang itinuro ang mga wikang Spanish, French at Japanese. Nang sumunod na taon, idinagdag naman ang German at ngayong taon ay ang Chinese language.
“This is also in line with the thrust of K to 12 which is to prepare our future workforce for the global arena,” ayon kay Education Secretary Br. Armin A. Luistro.
Layunin ng SPFL na ma-debelop ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pakikinig, pagbabasa, at pagsusulat ng mga dayuhang lengguwahe katuwang ang Japan Foundation, Goethe Institute, Alliance Francais Manila at Cebu at The Cunfucius Institute of the Angeles University Foundation para sa pagsasanay sa mga guro.