MANILA, Philippines - Humina ang produksiyon ng palay sa bansa sa unang tatlong buwan ng 2012 dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, umabot lamang ng 3.99 milyong metric tons ang palay production sa unang quarter ng taong ito, mas mababa ng isang porsiyento kumpara noong unang quarter ng 2011
Gayunman, tiniyak ni Alcala na hindi ito makakaapekto sa target na produksiyon ng palay ngayong taon dahil makakabawi ang bansa sa second at 3rd quarter ng 2012.
Umaabot sa 3.846 Million metric tons ang inaasahang magiging ani ng palay sa second quarter ng taong ito habang 3.413 million metric tons naman sa 3rd quarter.
Tinaya din ni Alcala na madaragdagan ang ani ng palay sa ikatlong quarter dahil maagang nagtanim ang mga magsasaka sa mga palayang sakop ng major irrigation systems sa Luzon.
Sa kabila ng pagbaba ng palay production, ipinagmalaki naman ni Alcala na lumago ng mahigit isang porsiyento ang buong agriculture industry sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan.