MANILA, Philippines - Iminungkahi ng isang mambabatas ang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa sa halip na makipag-away sa bansang China kung saan wala naman umanong tsansang manalo ang Pilipinas pag dating sa pakikipag-giyera dito dahil sa usapin sa Scarborough Shoal.
Ang reaksyon ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, ay bunsod sa panibagong pagbabanta ng China sa isang pahayagan sa kanilang bansa na handa silang rumesponde sa anumang maaring mangyari sa stand-off sa pagitan ng Pilipinas sa Scarborough Shoal maituturing na pinakamatapang na pahayag na ng nasabing bansa tungkol sa nasabing isyu.
Naniniwala si Evardone na kaya binu-bully ng China ang Pilipinas ay dahil sa kanilang pananaw na mahirap ang ating bansa at mayroon lamang maliit na kakayahan pagdating sa pakikidigma at pang-ekonomiya.
Dahil mistula lamang umanong “tirador” laban sa militar ng China kaya’t dapat na mas palakasin ng Pilipinas ang ekonomiya at suportahan ang mga proyektong tulad ng Entertainment City Project ng Philippine Gaming Corporation o Pagcor na maaaring magbigay sa atin ng economic at military power.
Sa isinusulong umano na $5 bilyon Entertainment City ng Pagcor ay magdadala ito ng isang milyong trabaho para sa mga manggagawa, pagtaas ng kita ng gobyerno ng mahigit sa 14 na beses gayundin ang pagdagsa ng mga turista kada taon na magdadala rin ng potential income sa bansa.